SEATTLE – Mahigit $3 milyon ang babayaran ng Amazon sa mahigit 10,000 gig workers bilang pagtugon sa mga alegasyon ng paglabag sa mga ordinansa ng Lungsod ng Seattle na naglalayong protektahan ang mga gig at app-based workers. Ang mga gig workers ay mga indibidwal na nagtatrabaho sa pamamagitan ng mga app, tulad ng paghahatid ng pagkain, grocery, o mga pakete gamit ang kanilang sariling sasakyan.
Ayon sa Seattle’s Office of Labor Standards (OLS), ang Amazon Flex, isang serbisyo kung saan kumukontrata ang mga indibidwal para maghatid ng mga pakete, grocery, at pagkain, ay hindi nagbigay ng nararapat na dagdag na bayad (premium pay) at bayad na sick at safe time sa lahat ng mga manggagawa. Ang mga benepisyong ito ay nilalayon upang protektahan ang mga manggagawa, lalo na noong panahon ng pandemya.
Itinanggi ng Amazon Flex ang mga paratang, ngunit pumayag na magbayad ng $3.7 milyon para maayos ang kaso, bukod pa sa $20,000 na multa sa Seattle. Inaasahang matatanggap ng mga apektadong manggagawa ang bayad sa simula ng bagong taon.
Ang mga proteksyon sa Seattle para sa mga app-based workers ay nagtitiyak na ang mga kumpanya ay nagbibigay ng minimum na sahod, pahinga, at proteksyon laban sa biglaang pagkatanggal sa trabaho.
Noong panahon ng COVID-19, may mga espesyal na ordinansa na nag-uutos ng dagdag na bayad para sa ilang trabaho. Bagama’t hindi na umiiral ang mga ito, pinayagan ng OLS na suriin at ipatupad ang mga ordinansang ito hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa OLS, mula 2021 hanggang 2022, hindi nagbigay ang Amazon Flex ng dagdag na bayad sa mga gig workers na naghahatid sa Seattle, maliban sa mga naghahatid ng grocery at pagkain. Mula Enero 31, 2021 hanggang Enero 12, 2024, walang sistema para humiling ng bayad na sick o family leave ang mga manggagawa, at hindi rin sila naabisuhan tungkol sa kanilang mga karapatan.
“Ang mga gig workers ay naging frontline workers sa buong pandemya, nagbibigay ng mahalagang serbisyo sa ating mga kapitbahay at nakatatanda,” sabi ni Mayor Bruce Harrell. “Mahalaga ang mga manggawang ito sa ating ekonomiya at karapat-dapat sa patas na bayad at proteksyon. Ang settlement na ito ay nagpapakita na tapat ang Seattle sa pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawa at pagpapanagot sa mga kumpanyang hindi sumusunod sa batas.”
*Paalala: Ang ‘gig worker’ ay tumutukoy sa mga taong nagtatrabaho nang pansamantala o sa pamamagitan ng app, tulad ng paghahatid ng pagkain o pagpapadala ng packages.*
ibahagi sa twitter: Amazon Magbabayad ng Mahigit $3 Milyon sa mga Gig Workers sa Seattle Dahil sa Paglabag sa Karapatan