OLYMPIA, Wash. – Nagbabala ang Kagawaran ng Kalusugan ng Washington (DOH) sa mga residente na ginagamit na ng mga scammer ang dating numero ng vaccine hotline ng estado. Mahalaga pong malaman ito, lalo na para sa mga kababayan nating maaaring hindi pa gaanong pamilyar sa mga ganitong uri ng panloloko.
Ang dating numero, 833-VAX-HELP (833-829-4357), ay ginamit noong panahon ng pandemya ng COVID-19. Dito tumatanggap ang tanggapan ng Immunization ng DOH ng mga katanungan tungkol sa bakuna, tumutulong sa mga residente na mahanap ang pinakamalapit na vaccination sites, at nagbibigay ng tulong sa pagkuha ng records o resibo ng pagpapabakuna.
Ipinaliwanag ng DOH na hindi na pagmamay-ari o pinapatakbo ng estado ang numerong ito. May mga naiulat na kaso kung saan nakakausap ng mga residente ang nagpapanggap na kawani ng hotline at humihingi ng pera o personal na impormasyon, kabilang ang detalye ng bank account. Mag-ingat po!
Paalala ng departamento: Huwag kailanman magbigay ng impormasyon tungkol sa bank account o anumang uri ng bayad sa pamamagitan ng telepono. Kung may tumawag at humingi nito, tiyak na scammer ito. Iwasan na ring tawagan ang dating numero.
Ang bagong opisyal na immunization hotline ng DOH ay 1-866-397-0337. Dito po kayo makakausap ng mga sinanay na espesyalista na sasagot sa inyong mga katanungan tungkol sa bakuna at immunization, tutulungan kayong mahanap ang mga nagbibigay ng bakuna, at tutulungan kayong kumuha ng inyong immunization records.
Walang naiulat na kaso ng pagkalugi ng pera o iba pang pinsala na konektado sa dating hotline. Kung mayroon kayong mga katanungan, tumawag sa 1-866-397-0337 o bisitahin ang website ng departamento para sa karagdagang impormasyon.
ibahagi sa twitter: Babala sa Publiko Huwag Magtiwala sa Gumagamit ng Dating Hotline Numero para sa Bakuna