OLYMPIA, Wash. – Tinatayang 3,891 na tahanan ang nasira sa iba’t ibang panig ng estado ng Washington noong Disyembre dahil sa matinding pagbaha, ayon sa tanggapan ni Gobernador Bob Ferguson.
Mahigit 440 na bahay ang nawasak o lubhang nasira nang lumampas ang 33 ilog sa kanilang normal na antas ng tubig. Dahil dito, isang nasawi at 383 na katao ang nailigtas. Sa loob ng mahigit dalawang linggong masamang panahon, mahigit 100,000 residente ang inilikas.
Pormal na naghiling si Ferguson ng deklarasyon ng pederal na sakuna at humiling sa Federal Emergency Management Agency (FEMA) na maglaan ng pondo para sa tulong sa mga apektadong komunidad. Tinatayang $21.3 milyon ang halaga ng pinsala.
Kung maaprubahan ang kahilingan, ang mga residente sa mga sumusunod na county ay maaaring mag-apply para sa tulong sa pamamagitan ng FEMA: Chelan, Grays Harbor, King, Lewis, Pacific, Pierce, Skagit, Snohomish, Thurston, at Whatcom. Maaari ring mag-apply para sa pederal na tulong ang 15 na kinikilalang tribo.
Ang kahilingan para sa pondo upang ayusin ang nasirang imprastraktura ng estado ay hiwalay at isasagawa sa Pebrero, matapos ang pagtatasa ng pinsala.
Naglabas na ng deklarasyon ng emerhensya ang pederal na pamahalaan, na nagpapahintulot sa mga pederal na ahensya, tulad ng Army Corps of Engineers at Coast Guard, na magbigay ng tulong. May inilaang $3.5 milyon sa pondo ng emerhensya ng estado para sa tulong sa pagkain, silungan, at iba pang pangangailangan. Sa pamamagitan ng Disaster Cash Assistance Program ng estado, mahigit $1 milyon ang naibigay bilang direktang tulong sa mahigit 2,600 na sambahayan.
Isang serye ng mga bagyo ang nagdulot ng malakas na ulan sa pagitan ng Disyembre 5 at Disyembre 22. Dahil dito, lumusob ang tubig sa mga levee at dike, na nagresulta sa pagbaha sa buong estado.
“Ang lawak, tagal, at kalubhaan ng sakunang ito ay lumampas sa kakayahan ng lokal at estado na tumugon,” ani Ferguson. “Libu-libong pamilya ang nakaranas ng malagim na pagkawala. Mahalaga ang tulong pederal upang matulungan ang mga taga-Washington na makabangon mula sa mga pagbaha na ito.”
ibahagi sa twitter: Mahigit 3800 Tahanan ang Nasira sa Baha sa Washington Noong Disyembre